News·CBC Investigates

Recruiter niloko umano ang 'daan-daan' na Pinoy migrant workers. Ang ilan homeless na ngayon

Tatlong dosenang beses nahuli ang recruiter na si Jeanett Moskito para sa paniningil ng illegal fees, at inakusahan na biniktima ang “daan-daang” Pinoy migrant workers. Ngunit hindi siya kailanman na-prosecute, ang isang abogado inihalintulad ang penalties na kanyang natanggap sa “parking tickets.”

Sa kabila ng 35 labour violations sa nakalipas na dekada, si Jeanett Moskito at ang kanyang mga kompanya ay pa

A Filipino woman holds up a bouquet of flowers and a card in her company's offices.
Makikita sa litrato na may hawak na mga bulaklak sa isang celebratory Facebook post mula 2021, si Jeanett Moskito at ang kanyang mga kompanya na Link4Staff at Berderald Consulting ay inutusan ng Ontario Ministry of Labour na ibalik ang $200,000 na illegal fees na siningil sa mga foreign worker kapalit ng paghahanap ng trabaho para sa kanila. (Link4Staff/Facebook)

Ito ay isang istorya na bahagi ng Welcome to Canada, isang serye ng CBC News ukol sa imigrasyon na hango sa kuwento ng mga tao na nakaranas nito.

Read this story in English.


Sa loob ng mahigit isang dekada, ibinenta ni Jeanett Moskito ang Canadian dream.

Punong-puno ang social media account ng kanyang kompanya ng daan-daang litrato at mga bidyo ng tuwang-tuwa na foreign workers, ang bawat isa may hawak na work permit — ang kanilang golden ticket sa pagbuo ng bagong buhay sa Canada.

Si Moskito — na hindi isang abogado o immigration consultant — ay nasa mga litrato rin. Bilang isang self-styled recruiter, tinutulungan niya ang mga newcomer na makahanap ng trabaho sa Canada sa pamamagitan ng kanyang dalawang kompanya, ang Link4Staff at Berderald Consulting.

Ang Pilipina na mukhang isang mabait na tao, nakangiti at nakikipagkamay sa mga kliyente, binabati sila sa harap ng publiko sa mga uplifting post tulad ng, "Ang tagumpay na ito ay posible dahil sa iyong positibong pag-iisip at tiwala."

A group of six newly arrived Filipino foreign workers pose with the recruiter who got them jobs in her home, with a Christmas tree and TV behind them.
Si Moskito, makikita sa kaliwa ng couch, winelcome ang grupo na ito ng mga bagong dating na manggagawa sa kanyang tahanan sa Leamington, Ont., noong Disyembre 2020. Sa isang post sa social media, sinabi niya na ang kanyang kompanya, ‘ay nandito para gabayan ka patungo sa tagumpay.’ (Link4Staff/Facebook)

Ngunit napag-alaman ng CBC News na si Moskito madalas inaabuso ang tiwala na iyon.

Isiniwalat ng ilang buwan na imbestigasyon na siya ay isa sa pinaka-notorious na repeat offenders ng Ontario Ministry of Labour, nahuli ng 35 beses na tumatanggap ng bayad mula sa dose-dosenang foreign workers kapalit ng paghahanap ng trabaho para sa kanila — na ilegal sa buong Canada.

Sa ngayon, ang parusa ni Moskito ay ang ibalik ang pera na kanyang kinuha nang ilegal — ang kabuuan ay humigit-kumulang $200,000 — kasama ang pagbabayad ng $250 na multa na ipinataw ng ministry sa ilang pagkakataon.

Dinala siya ng dating pitong kliyente sa small claims court, pinaratangan na nagtsa-charge ng illegal fees at tumanggi na magbigay ng refund nang kinompronta.

Ang mga konsulado ng Pilipinas sa Canada at Israel ay nag-isyu ng babala laban sa paggamit ng kanyang mga serbisyo, hinikayat "ang lahat ng aming mga kababayan na iwasan ang pakikitungo kay Binibining Moskito at sa kanyang associated entities na humihingi ng labis na bayad kapalit ng pekeng job offers."

Gayunpaman ang 52-anyos ay bukas pa rin para magnegosyo — nag-post ng ads sa official job bank ng Gobyerno ng Canada nito lang Oktubre.

Hindi rumesponde si Moskito sa mga request para magbigay ng komento.

PANOORIN | Ang pinaka-notorious na recruiter sa Ontario: 

This Toronto recruiter has allegedly 'scammed' migrant workers

2 days ago
Duration 2:11
A CBC News investigation has revealed that despite being caught charging illegal fees to foreign workers 35 times, recruiter Jeanett Moskito and her companies Link4Staff and Berderald Consulting continue to operate.

Kamakailan nangako sina Ontario Premier Doug Ford at Prime Minister Justin Trudeau na tatargetin ang "bad actors" sa imigrasyon.

Ngunit sinabi ng advocates para sa migrant workers, mga abogado sa imigrasyon at mga biktima ni Moskito na ang kanyang mga pakana ay isang perpektong halimbawa ng kakulangan sa oversight ng Canada pagdating sa immigration representatives at ang kanilang pagkabigo na protektahan ang foreign workers.

"Naniniwala ako na ang sistema na mayroon tayo ay pinahihintulutan na abusuhin ang mga tao," sinabi ng labour lawyer na si John No, na kinatawan ang pitong kliyente sa mga labour case laban kay Moskito mula 2016.

"Hindi natin maaaring i-under emphasize ang emosyonal, mental at pisikal na toll na mayroon ito sa mga biktima."

Lawyer John No stands in front of a sign for Parkdale Community Legal Services in the legal clinic’s office.
Sinabi ni John No, labour lawyer at interim clinic director ng Parkdale Community Legal Services, na ang mga biktima ni Moskito ay depressed, anxious at nagdurusa mula sa mataas na ‘emosyonal, mental at pisikal na toll’ bukod sa financial losses. (Aloysius Wong/CBC)

'Lahat ay isang kasinungalingan'

Nakausap ng CBC News ang 11 sa mga dating kliyente ni Moskito, na lahat ay nagkukuwento ng parehong istorya: pinangakuan sila ng legal na trabaho at, madalas, isang daan tungo sa permanent residence para sa fee na tipikal na nagre-range sa pagitan ng $2,000 hanggang $9,000.

Ang ilan sinabi sa CBC na pagkatapos nilang magbayad, wala naman naibigay na trabaho at si Moskito kalaunan huminto na sa pagsagot sa kanilang mga mensahe. Ang iba naman sinabi na naihanap sila ng trabaho, ngunit hindi nila natanggap kailanman ang kanilang work permit — kaya hindi sila sigurado kung sila ay legal na nagtatrabaho o hindi.

Apat ang nagsabi na "niloko" sila ng naturang recruiter. Kasama rito si John Gabriel Quizo, na sinabing sana ay hindi na lang niya nakilala si Moskito.

Siya ay isa sa dating limang kliyente na naghain ng reklamo laban kay Moskito at kanyang mga kompanya sa Ontario labour ministry mula Hulyo.

Four people with backpacks and summer clothing, all facing away from the camera, look over a bridge at some train tracks in downtown Toronto.
Nakausap ng CBC News ang 11 na dismayadong kliyente ng Link4Staff/Berderald, kabilang ang apat na migrant workers na sinabing sila ay niloko ng kapwa Pilipino na sinamantala ang kanilang tiwala. (Aloysius Wong/CBC)

"Lahat ay isang kasinungalingan," ani Quizo, pinunasan ang luha habang inaalala ang kanyang mga encounter kay Moskito. Nakausap ng CBC si Quizo sa men's shelter sa downtown Toronto kung saan siya ay naninirahan sa nakalipas na limang buwan.

"Nararamdaman ko ang maraming struggle, maraming problema, maraming sakit sa puso dito."

Ang 36-anyos na Pilipino ay nagpunta sa Canada noong Disyembre 2022 para kumpletuhin ang isang taon na hotel and restaurant management program sa Centennial College sa Scarborough, Ont., sa pag-asang makakabuo ng mas magandang buhay para sa kanyang pamilya, kasama ang 11 taong gulang na anak na si Nathaniel, na naiwan sa Pilipinas.

"Ito ay isang pangarap … na magkaroon ng trabaho dito, mag-aral dito at pagkatapos kalaunan dalhin ang pamilya ko dito sa Canada at bigyan ng magandang kinabukasan ang aking anak," ani Quizo.

A portrait of a man outside a homeless shelter.
Si John Gabriel Quizo, 36-anyos, ay pumunta sa Canada bilang isang international student upang bumuo ng mas magandang buhay para sa kanyang pamilya. Sa halip, ang dating kliyente ng Berderald Consulting ay namumuhay sa isang homeless shelter, ngayon baon sa utang at hindi makapagtrabaho ng legal sa Canada. (Aloysius Wong/CBC)

Nang ipinakilala siya ng kaklase kay Moskito, naging excited siya nang sabihin nito na maaari siyang magtrabaho at kumita ng pera para sa kanyang pamilya agad-agad.

"Akala ko ito ay legit," ani Quizo, lalo na nang malaman niya na ang kanyang kaibigan ay nagkaroon na ng trabaho.

Para sa fee na humigit-kumulang $6,000, sinabi ni Moskito na ihahanap niya si Quizo ng isang full-time na trabaho na nakareserba para sa temporary foreign workers, kumpleto kasama ang isang valid work permit.

Ani Quizo si Moskito ay umiiwas kapag tinatanong niya tungkol sa legalidad ng kanyang mga serbisyo.

"Ano ang gusto mong gawin? Trabaho? O mag-aral?" tinanong siya ni Moskito bilang tugon sa kanyang mga tanong kung legal siyang makakapag-transition mula sa pagiging international student patungo sa full-time na pagtatrabaho. 

"Sinabi niya sa akin, 'Alam mo ba ang ibig sabihin ng ilegal at legal?' Litong-lito ako dahil sinusubukan ko na itanong sa kanya kung ito ay legal," aniya.

A family photo of four people, including a father and son and two other family members.
Si Quizo nag-pose para sa isang litrato kasama ang pamilya, kabilang ang 11 taong gulang na anak na si Nathaniel, na inaasahan niyang madadala sa Canada balang araw. (Submitted by John Gabriel Quizo)

Sinabi pa ni Quizo na sinabihan siya ng babaeng negosyante na ang trabaho ay magagarantiyahan siya ng permanent residence kalaunan — isang status na, sa realidad, ay hindi kailanman garantisado.

Nag-drop out mula sa kolehiyo si Quizo at kinuha ang alok ni Moskito, binayaran ang kalahati ng fee upfront — ginamit ang kanyang pera para sa tuition na ilang taon inipon ng kanyang pamilya sa Pilipinas.

Tinupad naman ni Moskito ang unang parte ng kanyang pangako — at nagsimulang magtrabaho si Quizo bilang isang housekeeper para sa dalawang hotel na pagmamay-ari ng Hoco Hotels sa Stratford, Ont. Ngunit matapos ang pitong buwan ng paglilinis ng mga hotel room, ang pangalan ni Quizo ay tinanggal mula sa work schedule ng hotel. Nag-expire naman ang kanyang student visa pagkatapos noon.

"Sinabi niya na mag-e-expire na ang kanyang work permit," ani Tushar Roy, CEO ng Hoco Hotels. "At sinabi namin, 'OK, kung mag-e-expire na ang iyong work permit, hindi ka namin puwedeng i-keep.'"

PANOORIN | 'Hindi ko man lang masuportahan ang anak ko': 

Now homeless, this Filipino migrant worker wishes he never met Jeanett Moskito

2 days ago
Duration 0:40
John Gabriel Quizo, 36, came to Canada to study and build a new life for his family. But after allegedly being sold a false promise of a work permit by Toronto recruiter Jeanett Moskito and her company Berderald Consulting, he finds himself jobless, in debt and unable to support his 11-year-old son.

Hindi tinupad ni Moskito ang kanyang pangako na mabibigyan ng bagong work permit si Quizo.

Naaalala ng may-ari ng hotel na narinig niya na binayaran ng isa pang empleyado si Moskito ng $10,000 para sa kanilang trabaho. "I was not very happy with it. Akala ko nagre-recruit lang."

Hindi na ngayon makapagtrabaho nang legal, homeless na si Quizo at namumuhay sa isang shelter na para sa mga lalaki. Aniya umutang siya ng maraming pera para maka-survive at wala na siyang pera at nahihiyang umuwi sa Pilipinas.

"Hindi ko mabayaran 'yung utang. Hindi ako makahanap ng trabaho. Hindi ko man lang masuportahan ang anak ko," aniya.

Two side-by-side portraits of Filipino Canadian lawyers
Ang Filipino Canadian na mga abogado na sina Jake Aguilar, kaliwa, at Jun Saludares, kanan, kinuwestiyon ang Ontario Ministry of Labour kung bakit hindi nito isinulong ang criminal charges laban kay Moskito, matapos ang tatlong dosenang contravensions ng provincial labour law. (Submitted by Jake Aguilar and Jun Saludares)

Mas malupit na parusa hindi ina-apply: mga abogado

Ibinahagi ng CBC ang kanilang pananaliksik sa dalawang Filipino Canadian immigration lawyers, na parehong sumang-ayon na hina-highlight ng kaso ang pangangailangan sa mas mahusay na oversight at mas mahigpit na parusa para sa job recruiters na tina-target ang foreign workers.

Dahil hindi regulated ang mga recruiter tulad ng immigration lawyers at consultants, may mas kaunting paraan upang isulong ang pagkakaroon ng pananagutan. Ang resulta, maraming dating kliyente ang nagpa-file ng mga reklamo sa Ministry of Labour para makuha muli ang kanilang pera.

Mahigit kalahati ng 61 orders upang ibalik ang illegal recruitment fees ang inisyu ng probinsya sa nakalipas na apat na taon ang may kaugnayan sa mga kompanya ni Moskito, na ginawa siyang recruiter na may pinakamaraming violations para sa offence na iyon sa Ontario.

Sinabi ng Filipino Canadian na abogado na si Jake Aguilar na ang consequences na hinarap ni Moskito sa ngayon ay hindi pa naging sapat upang pigilan ang kanyang aktibidad.

"Nakakuha ka ng violation, nagbayad ka, that's it. Puwede mo na ulit gawin. Puwede mong gawin ito nang madalas hangga't gusto mo — basta babayaran mo ang penalty, walang limit," aniya.

Ang $250 fee ay idinagdag bilang penalty sa pitong kaso lamang laban kay Moskito.

"Ito ay parang isang parking ticket," ani Aguilar, pagdating sa $250 fines. "[Ang mga tao tulad ni Moskito] walang takot. As you can see, ginagawa nila ito kahit nakakakuha sila ng penalties."

PANOORIN | Penalty masyadong mababa para pigilan ang bad actors: 

Fines for illegal recruitment cases like 'parking tickets,' lawyer says

2 days ago
Duration 1:00
Lawyer Jake Aguilar says the fines issued to Jeanett Moskito and her company for charging illegal recruitment fees are too small to discourage people like her from contravening provincial labour law. 'The penalty should be more than enough to deter you,' he said.

Binigyang-diin ng parehong lawyer na ang Ministry of Labour maaaring i-pursue ang mga kasong kriminal para sa repeat offenders, na maaaring kasama ang $50,000 fine at hanggang isang taon na pagkakakulong.

"Hindi ko alam kung bakit hindi pinu-pursue ng ministry ang kriminal na aspeto," ani Saludares.

Sinasabi ng Migrante Ontario na isang organisasyon sa komunidad ng mga Pilipino na ang mga biktima ni Moskito ay nasa "daan-daan" at binatikos ang "kakulangan ng napapanahon at mabigat na response" ng mga awtoridad.

Filipino migrant worker advocates hold up signs at a rally, including "Defend the rights of Filipino migrant workers," and "End labour trafficking and exploitation."
Nagprotesta ang mga miyembro ng Migrante Ontario sa Trinity Bellwoods Park sa Toronto noong Labour Day para mangampanya laban sa Link4Staff, para rin itaas ang kamalayan tungkol sa illegal recruitment at labour trafficking ng Filipino migrant workers. (Aloysius Wong/CBC)

Tinanong ng CBC News ang Ministry of Labour kung bakit hindi nito nirekomenda ang anumang kriminal na kaso laban kay Moskito at kung ikokonsidera nito ang pag-regulate sa mga recruiter na nag-i-interact sa mga dayuhan katulad ng ginagawa sa British Columbia.

Hindi sinagot ng departamento ang mga tanong ng CBC, ngunit binigyang-diin na ang kanilang bagong Working for Workers Act ay magpapakilala ng mga pagbabago at mas marami pa ang darating, kabilang ang "fines, multi-year bans at lifetime bans, at ang pangalanan at pahiyain ang mga hindi tapat na immigration representatives."

Walumpu't siyam na porsyento sa mga newcomers sa Canada — at saka 98 porsyento sa mga newcomers na Pilipino - gusto makita na may ginawang hakbang ang gobyerno ng Canada para e-regulate ang mga immigration representatives, ayon sa survey ng CBC kamakailan na ginawa ng Pollara.

"Mas pinahusay ng ating gobyerno ang mga tool sa pagpapatupad at pinataas ang mga parusa," sulat ni Michel Figueredo, press secretary ni Minister of Labour David Piccini, sa isang pahayag na ipinadala sa email. "Nagpapadala ito ng isang malinaw na mensahe — ang Ontario hindi kukunsintihin ang masasamang tao."

Samantala, sinabi ni Angelica Escalona, ang Philippine consul general sa Toronto, na pinagsasama-sama ng kanyang opisina ang mga reklamo at kinokonsidera ang legal na aksyon laban kay Moskito kaakibat ang konsultasyon sa gobyerno ng Pilipinas.

PANOORIN | Farm workers nagsalita laban sa Link4Staff nung 2019: 

Former mushroom farm workers call for tougher regulations for foreign recruitment

2 days ago
Duration 1:14
In an April 2019 press conference, migrant workers who are part of a campaign called Justice for Mushroom 4 alleged they were sold false promises for thousands of dollars by the recruitment agency Link4Staff. The company contested the claims.

'Sana makulong siya'

Ilang beses humiling ang CBC News kay Jeanett Moskito ng isang interbyu upang makapagbigay siya ng komento sa mga alegasyon na ito, ngunit hindi nakakuha ang CBC ng tugon sa panahon na ito.

Ang tao na sumagot sa tawag sa opisina ng Link4Staff/Berderald ibinaba ito paglipas lang ng ilang segundo.

Dati, sinabi ni Moskito sa labour board na ang fees na binabayaran ng mga kliyente ay para sa immigration applications, hindi recruitment services, sa kabila ng pag-a-advertise ng recruitment services ng kanyang mga kompanya.

Samantala, naghihintay si Quizo para sa kanyang araw sa korte at umaasa na mapaparusahan si Moskito ayon sa buong lawak ng batas.

Tulad ng marami, siya rin ay galit kay Moskito — na isa ring Pilipino — na sinamantala ang tiwala ng komunidad.

"Sana makulong po siya," aniya. "Marami po kami. Marami po siyang sinirang pangarap, buhay na pamilyang pinaasa."


Isinalin sa wikang Tagalog ni Catherine Dona, Senior Writer, Radio Canada International.

ABOUT THE AUTHOR

Aloysius Wong

Journalist

Aloysius Wong is a journalist with the CBC News national investigative unit. He maintains a particular interest in stories involving labour and migration. You can send him tips at aloysius.wong@cbc.ca.

May kasamang files mula kina Marnie Luke at Andreas Wesley